“Tamang pag-ibig sa maling panahon”




“Tamang pag-ibig sa maling panahon” 
(Maikling Kwento)
Charlotte S. Creus 

Kaloy “Loy” Santos, makisig at matipuno ngunit hindi maginoo. Nakatira siya sa lungsod ng Maynila at ika-apat na taon na niya sa kolehiyo. Akalain niyo ‘yon kahit na pambubulakbol at hindi nagseseryoso ay makakapagtapos pa siya ng pag-aaral. Bettina Sanchez o mas kilala bilang “Betty”, dakilang nerd at baduy pumorma dahil laking probinsya. Ngunit sa kabila ng mga ito mayroon naman siyang maipagmamalaki, iyon ang pagiging matalino. 

“Kaloy!” sigaw ni Betty kinaumagahan nang makita niya ang binata na naglalakad patungo sa klase nito. Oo nga pala, may gusto nga pala ang dalaga sa binata. Nagpintig naman ang tenga ni Loy nang tawagin siyang “Kaloy” ni Betty kaya naman hindi niya pinansin ang dalaga. Ayaw na ayaw kasi ng binata na tinatawag siyang Kaloy. Pero dahil makulit si Betty, hinabol niya si Loy hanggang sa maabutan niya ito. Hinihingal na tinawag ni Betty si Kaloy. Masamang tinignan ng binata ang dalaga. “Ano?” maangas na tanong nito. Ngumiti ng malapad si Betty sabay sabing, “Wala lang.” Inirapan lamang siya ng binata. Inis na inis siyang pumasok sa klase dahil sa nangyari. ‘Buti na lamang at hindi ko ka-eskwela ang lukaret na ‘yon,’ sabi ng binata sa sarili habang nauupo sa kanyang upuan. Buong klase naburyo si Loy kaya naman pagdating ng uwian ay nagmamadali siyang umalis, bukod pa rito ay may isa pa siyang dahilan. Alam niya kasing kada-uwian  ay naka abang na ang dalaga sa labas ng pinto kaya hangga't maaari ay hindi siya maabutan nito dahil tiyak kukulitin na naman siya ng dalaga.  

Sa kasawiang palad, hindi naabutan ni Betty ang binata kaya naman napagdesisyunan na lamang niyang umuwi. Paalis na sana siya nang may tumawag sakanya. Nilingon niya ito at nakita niya ang kaibigan ni Loy na si Kevin. “Si Loy ba ang hanap mo?” tanong nito. “Oo” masayang sagot ni Betty. “Nako, umuwi na siya. Kung nakita mo lang kung gaano siya nagmamadali para lang hindi mo siya maabutan!” natatawang sabi ni Kevin. “Ah ganoon ba? ‘Di bale, bukas mas aagahan ko pa ang pagpunta rito. 'O siya, mauna na ako.” eksayted na saad ni Betty. Aalis na sana siya nang magsalita si Kevin. “Kung ako sa'yo titigilan ko na si Loy. Hindi mga katulad mo ang tipo niya sa isang babae kaya tiyak wala kang pag-asa do’n.” Parang isang malaking suntok ang sinabi ng binata sa dalaga kaya naman labis siyang nalungkot. “Gusto ko lang naman siyang maging kaibigan.” Pagpapaliwanag naman ni Betty. Nagkibit-balikat na lamang si Kevin dahil alam niyang higit pa sa pakikipagkaibigan ang gusto niya kay Loy. 

Kinabukasan masigla na namang pumasok ang dalaga sa eskwelahan. Pursigido talaga siya sa binata. Hindi niya alam kung bakit sobra ang pagkahumaling niya sa binata. Ilang linggo na ang nagdaan at ganoon pa rin ang sitwasyon nila, mag-aabang si Betty sa labas ng klase ng binata habang ang binata naman ay nagmamadaling umalis, kaya naman isang araw diniretsa na ng binata si Betty. “Ano ba? Naiirita na ako sayo! Tantanan mo na ako! ‘Di ka ba napapagod? Tumigil ka na parang awa mo na!” halos pasigaw na sabi ni Loy sa dalaga. Pero mukhang hindi natinag ang dalaga “Gusto lang naman kita maging kaibigan-“ 

“Kaibigan? Hindi ko na kailangan ‘non! Marami ako niyan.” Pagkasabi ng binata noon ay tinalikuran na niya ang dalaga. Pero dahil nga makulit ang dalaga, pinigilan niya ang binata na makalayo. “Ano ba ang dapat kong gawin para pumayag ka?” pagmamakaawa ng dalaga. Dahil sa kakulitan ni Betty, napapayag na niya sa wakas ang binata. Labis ang pagkatuwa ng dalaga. Ngunit ang pagpayag ng binata ay mayroon palang kapalit.  

“Loy!” tawag ni Betty ng minsan ay makita niya ang binata na naglalakad. Huminto naman ang binata sa paglalakad upang lingunin si Betty. Lumapit si Betty sa binata at may inabot na notebook. Tapos na ang takdang aralin na ginawa ni Betty para kay Loy. Iyon pala ang kapalit na hiningi ng binata sa dalaga kapalit ng pagkakaibigan na gusto ni Betty.  

Ganito ang sitwasyon ng dalawa nitong mga nagdaang buwan. Kapag may takdang-aralin ang binata, si Betty ang taga-gawa. At kapag naman may quiz at exam ay tinuturuan niya ang binata. Ilang buwan na sila magkasama pero wala paring pagbabago sa pakikitungo ni Loy para kay Betty. Ngunit kahit ganoon ay masaya parin ang dalaga na nakakasama na niya si Loy tuwing break time at uwian. Paminsan-minsan ay nakakasabay din nila ang kaibigan ni Loy na si Kevin. Kapansin-pansin na tumataas na ang mga marka ni Loy at nakikinig na rin siya sa klase. “Mukhang inspirado ka, ah?” Pang-aasar ni Kevin kay Loy sa gitna ng klase. “Huh? H-hindi ako inspirado kay Betty ah!” depensa ni Loy. Napatawa nang malakas si Kevin dahil wala naman siyang binabanggit na pangalan pero si Betty agad ang isinambit ni Loy. Palingon-lingon si Loy sa labas ng pinto na para bang may hinihintay. Kaya naman nang dumating na ang uwian ay nag-mamadali siyang lumabas hindi para takasan si Betty kundi para ay makita na niya ito pero mukha siyang nabigo ng hindi niya nakita ang gusto niyang makita. Kaya ngayon, silang dalawa lamang ni Kevin ang magkasamang umuwi. “Nasaan si Betty?” nagtatakang tanong ni Kevin kay Loy. “Hindi ko alam, wala akong paki doon. Mukha ba akong tanungan ng mga nawawalang pangit?” saad ni Loy habang tumitingin sa paligid. Napailing ang kaibigan sa inaakto ni Loy.  

Ilang araw ng hindi nakikita ni Kaloy si Betty, wala siyang balita sa dalaga, labis man siyang nag-aalala pero hindi niya iyon pinapahalata. Araw-araw ring nabibigo ang binata tuwing lumalabas siya ng klase. Kung dati ay tinatakasan niya ang dalaga ngunit ngayon ay inaabangan na niya ito.  

Halos tumalon sa tuwa ang puso ni Kaloy nang makita niya ang dalaga na naglalakad. Sinalubong niya ang dalaga pero laking gulat niya nang hindi siya pinansin ng dalaga. Halos biniyak ang puso niya sa ginawa ng dalaga, ilang araw niya ito hindi nakita tapos ngayon na nakita na niya ito ay hindi man lang siya pinansin. Labag man sa loob niya hinayaan niya lamang si Betty. Hindi na sumasama si Betty kina Loy, at napansin niya na umiiwas na ang dalaga sakaniya. Nawawalan na nang gana ang binata sa pag pasok at bumabalik na naman siya sa dati. Hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya, para bang hindi buo ang araw niya, para bang may kulang.  

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa, nang makita niya ulit ang dalaga, kinompronta niya ito. “Iniiwasan mo ako.” Hindi iyon isang tanong, kundi isang pahayag. Hindi makatingin ang dalaga sa binata. Kapansin pansin rin ang pamumutla ng dalaga at malaki rin ang ipinayat. “Hindi kita iniiwasan, abala lang ako nitong mga nakaraang araw,” paliwanag ni Betty. “Kung hindi mo ako iniiwasan, bukas dapat makita kita sa labas ng klase namin, sumabay ka sa'kin tuwing breaktime at sabay tayong uuwi,” sunod-sunod na sabi ng binata. “Una na ako. Paalam Kaloy,” mabilis na sabi ni Betty kay Loy at parang may pinapahiwatig, hindi sumang-ayon si Betty at hindi rin naman siya tumanggi. Walang kasiguraduhan kung matutupad ba niya ang hiling ng binata. 

Dumaan ang recess, lunch at uwian ngunit walang Betty ang nagpakita kay Loy. Labis ang pagtatampo ni Loy kay Betty, iniisip niyang hindi siya pinapahalagahan ng dalaga. Pero habang lumilipas ang araw, linggo at buwan, ang pagtatampo niya ay napapalitan ng labis na pag-aalala nang hindi na niya nakita si Betty.  Hindi na nakatiis ang binata kaya naman nang magkaroon siya ng pagkakataon ay pinuntahan niya ang klase ni Betty. Napagtanungan niya ang isa sa ka-eskwela ng dalaga at sinabi nito na “Wala na si Betty.” Bumilis ang tibok ng puso ng binata sa pahayag na iyon, “A-anong ibig mong sabihin?” nagsisimula nang kutuban ang binata pero gusto niyang malinawagan. “Patay na siya dalawang buwan na ang nakakaraan.” 

Tatlong salita ang nagpaguho sa mundo ni Kaloy, “Wala na siya.” Ang paulit ulit na sambit niya sa sarili. Gusto niyang humagulgol sa iyak, gusto niyang magwala pero tila hinang hina siya dahil sa nalaman. Labis ang kanyang pagsisisi, hindi man lang niya napakitaan ng maganda ang dalaga, hindi man lang niya naamin na nagugustuhan na niya si Betty at higit sa lahat hindi man lang niya nasilayan ang dalaga hanggang sa huling hininga nito.  

Hindi alam ni Kaloy kung paano siya makakabangon o kung makakabangon pa ba siya kung wala na ang babaeng naging parte na ng buhay niya. 


“Nawala ka man sa mundo, mananatili ka pa rin sa puso ko. Panghahawakan ko ang mga alaalang pinagsaluhan natin hanggang sa pagtanda ko. Mahal na mahal kita Betty.” 

Comments

Popular posts from this blog

"Inang Kalikasan"

"Medalyon"

“Pangarap na Buhay”